dzme1530.ph

Dating vice mayor ng Maguindanao del Sur, patay sa ambush sa Sultan Kudarat

Patay ang isang dating vice mayor ng isang bayan sa Maguindanao del Sur matapos ma-ambush nitong hapon ng Miyerkules sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Nagmamaneho ng kanyang puting Toyota Hilux pick-up truck si Sittie Jinn Utto Lumenda, dating vice mayor ng Radjah Buayan, Maguindanao del Sur, ng tambangan ng mga armadong kalalakihan na nakaabang sa gilid ng highway sa isang liblib na barangay sa Lambayong.

Pabalik na sana sa Poblacion ng Radjah Buayan mula sa Tacurong City ang biktima kasama ang kanyang ama nang maganap ang insidente.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang ama ng napaslang na dating vice mayor.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, agad na nakatakas ang mga susppek at kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga kasapi ng Lambayong Municipal Police Station at ng Sultan Kudarat Provincial Police Office.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang mga salarin at kung ano ang kanilang motibo sa pagpatay kay Lumenda. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author