![]()
Hinamon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang economic managers ng administrasyong Marcos na patunayang tunay nang nasa upper-middle-income level ang Pilipinas.
Ayon sa TUCP, magagawa ito sa pamamagitan ng hindi pagharang at pagbibigay ng tamang sahod sa mahigit limang milyong minimum wage earners sa bansa.
Una nang inihayag ng Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) na inihanay na ng World Bank ang Pilipinas bilang upper-middle-income country dahil sa sustained economic growth, sound macroeconomic management, at long-term structural reforms.
Gayunman, sinabi ng TUCP na mahirap ipagdiwang ang naturang tagumpay dahil milyon-milyong manggagawang Pilipino pa rin ang nabubuhay sa mababang sahod.
Iginiit din ng grupo na maging ang mga lower-middle-income workers ay nahihirapan dahil sa mataas na buwis habang hindi pa rin sapat ang kalidad ng mga serbisyong pampubliko.
Idinagdag pa ng TUCP na kahit umabot sa ₱780 ang arawang minimum na sahod sa Metro Manila pagsapit ng Enero 20, 2027, malayo pa rin ito sa iniulat na gross national income (GNI) per capita na katumbas ng humigit-kumulang ₱820 kada araw.
