![]()
Patuloy na sumisikat ang cleansing diet o kilala rin bilang detox diet sa mga taong nagnanais magpapayat, mapabuti ang digestion at alisin ang mga umano’y naipong lason sa katawan.
Karaniwang kabilang sa cleansing diet ang pag-inom ng fruit at vegetable juices, pagkain ng limitadong uri ng pagkain, pag-aayuno at paggamit ng mga detox tea at supplements.
Ngunit ayon sa mga health experts, walang sapat na scientific evidence na napapabilis ng mga ganitong diet ang pag-aalis ng toxins sa katawan o nagbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa kalusugan.
Sa katunayan, may sariling natural na sistema ang katawan para mag-alis ng mga waste products at harmful substances sa pamamagitan ng atay, bato, baga at iba pang organ.
Babala rin ng mga eksperto na ang sobrang paglilimita sa pagkain at pag-inom lamang ng juices sa loob ng ilang araw ay maaaring magdulot ng kakulangan sa nutrients, panghihina, pagkahilo at dehydration.
Ang paggamit naman ng laxatives, enemas at colon cleansing products ay may kaukulang panganib, kabilang ang pagbabago sa electrolyte levels at iba pang komplikasyon, lalo na sa may sakit sa bato at puso.
Kung layunin namang magpapayat, hindi rin garantiya ng pangmatagalang resulta ang biglaang pagbaba ng timbang sa detox diet dahil kadalasan ay dulot ito ng pagbawas ng calories at pagkawala ng tubig sa katawan.
Sa halip na sumailalim sa matinding cleansing diet, mas mainam ang pagkain ng balanse at masustansyang pagkain gaya ng prutas, gulay, whole grains at pagkaing may sapat na protein.
