![]()
Napanatili ng Tropical Storm Queenie ang kanyang lakas habang nasa ibabaw ng Philippine Sea.
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo kaninang 4 a.m., 1,065 km silangan ng extreme northern Luzon.
Taglay ni Queenie ang lakas ng hanging aabot sa 75 km/h at pagbugso na hanggang 90 km/h habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Inaasahang unti-unting lalakas ang bagyo habang nasa Philippine Area of Responsibility, at posibleng umabot ito sa typhoon category sa Linggo.
Samantala, inaasahang magdadala ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan sa Visayas at Mindanao, ngayong Biyernes.
Makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao, Negros Oriental, at Siquijor bunsod ng ITCZ.
ITCZ rin ang magdudulot ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms sa natitirang bahagi ng Visayas at Palawan.
Iiral din sa Metro Manila, pati na sa nalalabing bahagi ng bansa ang kaparehong lagay ng panahon bunsod naman ng localized thunderstorms.
Sumikat ang araw kaninang 5:45 ng umaga at lulubog ito mamayang 5:50 ng hapon.
