Kinalampag ni Sen. Win Gatchalian ang Toll Regulatory Board (TRB) na tiyakin na maayos muna ang serbisyo ng mga pangunahing toll road sa bansa bago ipatupad ang anumang karagdagang pagtataas sa singil.
Inaprubahan ng TRB ang ikalawang tranche ng toll adjustment para sa North Luzon Expressway na magreresulta sa mas mataas na toll rate para sa mga motorista simula Hunyo 4.
Sinabi ni Gatchalian na hanggang sa ngayon, maraming motorista ang nagrereklamo sa NLEX dahil sa palpak na serbisyo sa toll road.
Personal din anya niyang alam ang sitwasyon sa NLEX dahil regular siyang dumaraan dito.
Karaniwan anyang nagrereklamo ang mga tao dahil sa sirang cashless reader at matinding trapiko, lalo na kapag weekends o holiday kung kailan tumataas ang bilang ng mga dumaraan sa toll road.
Iginiit ni Gatchalian na anumang pagtaas ng singil sa mga pangunahing toll road sa bansa ay dapat magresulta sa mas mataas na pamantayan ng serbisyo at mas magandang karanasan para sa mga motorist.
Dapat muna anyang tiyakin ng TRB na maayos ang pagpapalakad sa NLEX at sa SLEX bago ito magpasya ng dagdag bayad para sa mga dumaraan dito.