![]()
PINAWALANG-SAYSAY lamang ng Quezon City Prosecutor’s Office ang inihaing reklamo ni Atty Mans Carpio, ang asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang mambabatas at mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC).
Batay sa 23-pahinang desisyon ng QC Prosecutors Office, wala silang hurisdiksyon sa reklamo para aksyunan.
Dahil ito sa kasunduan sa pagitan ng Office of the Ombudsman at Department of Justice na may saklaw sa nasabing prosecutors office at ang isyu ay hawak na ng DOJ.
Kinontra ng mga prosecutor ang basehan na ginamit ni Atty. Carpio sa pagsasampa ng reklamo.
Diin ng piskalya, ang mga aksyon na kinukuwestyon ni Atty. Carpio tulad ng subpoena para sa mga report ng AMLAC ay salig sa kanilang papel bilang opisyal ng gobyerno na may salary grade 28 pataas.
Nag-ugat ang reklamo ni Atty. Carpio kaugnay sa paglalabas ng bank transactions nilang mag-asawa ng AMLAC bilang bahagi ng impeachment proceedings sa Kamara.