![]()
POSITIBO si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na napatunayan ng Pilipinas ang kahalagahan nito sa international community matapos ang matagumpay na hosting ng 49th ASEAN Summit at sa pagbisita ni United States President Donald Trump.
Ayon kay Zubiri, naipakita ng Pilipinas sa pamamagitan ng ASEAN Summit kung paano nakatutulong ang matatag na diplomasya at pagkakaisa sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga bansa sa rehiyon.
Nakatulong din aniya ang summit sa pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan, kabilang ang mahahalagang kasunduan sa digital economy integration na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyanteng Pilipino.
Binigyang-diin din ni Zubiri ang kahalagahan ng pagpili ni Trump sa Maynila bilang unang destinasyon sa kanyang Asian tour, na aniya’y nagpapatibay sa kahalagahan ng Pilipinas sa United States at sa Indo-Pacific Region.
Umaasa si Zubiri na magiging daan ito sa mas malalim na kooperasyon ng dalawang bansa sa depensa, kalakalan, pamumuhunan at enerhiya.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, binigyang-diin ni Zubiri na dapat panatilihin ng Pilipinas ang pagkakaisa at katatagan sa rehiyon habang mahigpit na ipinagtatanggol ang soberanya, karapatang pandagat at pambansang interes.
Gayunman, giit ng senador, hindi lamang sa diplomasya dapat sukatin ang tagumpay ng ASEAN Summit kundi sa konkretong pakinabang nito sa mga Pilipino.
