![]()
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang situation briefing kasama ang mga opisyal ng Gabinete sa Malacañang, upang i-assess ang epekto ng habagat.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kabilang sa mga dumalo ang Cabinet members na nakatutok sa pinagsama-samang epekto ng habagat at mga bagyong Luis at Maymay.
Sinabi ni Castro na ipinag-utos ng Pangulo ang mabilis na pagkilos upang matiyak na mapupuntahan ang lahat ng mga apektadong residente, lalo na ang nasa remote areas.
Idinagdag ng Palace official na pinatitiyak din ng Punong Ehekutibo na mabibigyan ng tulong ang lahat ng mga naapektuhan, kabilang ang mga residente na nakauwi na sa kanilang mga tahanan mula sa evacuation centers.
Batay sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagpamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 39.37 million pesos na halaga ng tulong sa Metro Manila, Ilocos Region, at Cagayan Valley; gayundin sa Central Luzon, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
As of 8 a.m. kanina, sinabi ng NDRRMC na umabot na sa 585,993 individuals o 170,593 families ang naapektuhan ng pinagsama-samang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo mula sa siyam na rehiyon.
