dzme1530.ph

PALACE PRESS OFFICER CLAIRE CASTRO, NILINAW NA PAALALA LAMANG ANG KANYANG KOMENTO SA MGA GURO, AT HINDI PANINISI

Loading

NILINAW ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi niya sinisisi ang mga guro sa kanyang komento tungkol sa mga nangyayaring karahasan sa mga paaralan.
 
Ginawa ni Castro ang paglilinaw matapos tawaging “reckless and insulting” ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kanyang pahayag kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School Campus, kahapon.
 
Sinabi ng Palace official na wala siyang sinisisi na mga guro at ang kanyang sinabi ay pagpapaalala lamang sa malaking papel ng mga ito bilang tagahubog ng magandang kaugalian lalo na sa kabataan.
 
Idinagdag ni Castro na layunin ng kanyang pahayag na mabigyang-diin na ang mga kabataan ay dapat ginagabayan, hindi lamang ng kanilang mga magulang, kundi ng mga paaralan at guro, na nagsisilbing pangalawang mga magulang.
 
Partikular na pinalagan ng mga guro ang pahayag ni Castro na may mga teacher mismo ang lumalabag sa moralidad at nagtuturo pa ng kawalan ng modo sa mga estudyante.

About The Author