![]()
KINUWESTYON ni dating Senate President Franklin Drilon ang paggamit ng pamahalaan ng P11.8 billion na confidential at intelligence fund.
Ito ay makaraang aminin na wala silang nakalap na intelligence report kaugnay sa biglaang rally ng Iglesia Ni Cristo na nagdulot ng matinding trapiko sa EDSA nitong Martes.
Sinabi ni Drilon na ipinakita ng insidente ang malubhang pagkukulang sa intelligence system ng gobyerno sa kabila ng bilyun-bilyong pondong inilaan para sa pagtukoy ng mga banta sa seguridad at pag-iwas sa malalaking pagkakaabala sa kaayusang pampubliko.
Binigyang-diin ni Drilon na kung hindi naagapan o na-monitor ang isang malaking mobilisasyon na nagparalisa sa pinakaabalang kalsada sa bansa, may karapatan ang mga nagbabayad ng buwis na malaman kung epektibo ba ang paggamit ng intel fund.
Sa ilalim aniya ng 2026 General Appropriations Act, P11.8 billion ang confidential at intelligence fund kung saan ang P4.5 billion ay napunta sa Office of the President; P1.84 billion sa Department of National Defense; at P1.47 billion sa National Intelligence Coordinating Agency.
Hinimok ni Drilon ang Commission on Audit na suriing mabuti ang paggamit ng intelligence fund at buhayin ang Senate Oversight Committee hinggil dito.
