dzme1530.ph

Paggamit ng intelligence fund ng mga ahensya ng gobyerno, bubusisiin sa Senado

Tiniyak ni Sen. Sherwin Gatchalian na bubusiiin niyang mabuti ang paggamit ng intelligence fund ng iba’t ibang law enforcement agencies sa 2025 Budget Deliberations.

Kasunod ito ng nangyaring pagtakas sa bansa ng mga miyembro ng Pamilya Guo nang hindi nalalaman ng mga law enforcement agencies.

Ayon kay Gatchalian, malaking tulong ang intelligence fund kapag nagagamit sa tama kaya’t kaniyang hihingin ang paliwanag ng iba’t ibang ahensya kung paano nila ito ginagamit.

Malinaw anyang nagkaroon ng kakulangan sa panig ng mga ahensya ng gobyerno sa kaso ng mga Guo dahil mas nauna pang nalaman at navalidate ni Sen. Risa Hontiveros ang impormasyon na nakaalis na ng bansa sina dating Mayor Alice Guo at pumasok sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ay kahit walang intelligence fund ang mga Senador at umaasa lang sila sa mga Marites.

Lumitaw na unang nakakuha ng impormasyon na nakatakas na sina Guo ay ang PNP Directorate for Intelligence at ipinasa sa Bureau of Immigration.

Nakakadismaya ayon kay Gatchalian na umabot pa ng limang araw bago na-validate ng BI ang impormasyon at hindi agad naipaalam sa Pangulo at maging kay Justice Sec. Crispin Remulla.

About The Author