dzme1530.ph

Pagdinig sa economic Cha-cha, dadalhin sa ibat ibang bahagi ng bansa

Kinumpirma ni Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara na plano nilang magsagawa ng mga pagdinig sa pagamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Angara, batay sa pag-uusap nila ni Senate President Juan Miguel Zubiri, posibleng gawin ang mga susunod na pagdinig sa Cagayan de Oro sa Mindanao habang sa Visayas ay pinagpipilian ang Cebu, Iloilo at Bacolod.

Pero tiniyak ni Angara na kukunsultahin ang mga kasamahang mambabatas sa kanilang availability lalo’t malapit na rin mag-holy week break.

Posible namang magdaos muna ng dalawa hanggang tatlong pagdinig dito sa Senado para talakayin ang mga economic provisions sa public utlities, advertising at education bago magdedesisyon sa mga ikakasang ‘out of town hearings’ para sa cha-cha.

Ikukunsidera rin ng subcommittee ang oras ng mga resource persons lalo’t isa sa mga gustong imbitahan ay si dating Senate President Franklin Drilon na hindi makakadalo sa susunod na pagdinig dahil nasa ‘out-of-town’ ito.

About The Author