![]()
NANAWAGAN si Senador Joel Villanueva ng mas konkretong hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan, kasunod ng tragic na pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga.
Ayon kay Villanueva, hindi sapat ang pakikiramay matapos ang isang trahedya, kaya dapat itulak ang mga repormang makapagtitigil sa karahasan at makapoprotekta sa mga mag-aaral.
Bilang co-chair ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2, sinabi ni Villanueva na dapat saklaw ng mga reporma sa edukasyon hindi lamang ang curriculum kundi pati ang kaligtasan ng mga bata laban sa mga banta sa loob at labas ng paaralan.
Kabilang sa mga isinusulong na solusyon ang mga panukalang direktang tutugon sa school violence at magpapalakas sa safety at security measures sa mga paaralan.
Tinitingnan din ni Villanueva ang posibleng bagong batas para higpitan ang gun control at itaguyod ang responsableng pagmamay-ari, pag-iimbak at paggamit ng mga baril, lalo na upang mapigilang makapagkamit ng armas ang mga bata at iba pang hindi awtorisadong tao.
May solusyon din aniya para sa mga panganib na nagmumula sa digital spaces.
Sa pamamagitan ng proposed SMART Kids Act o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces, layun ni Villanueva na palakasin ang proteksyon sa mga bata laban sa mapanganib na online content at practices.
Kabilang din sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC ang panukalang social media ban para sa mga bata.
Iginiit ni Villanueva na dapat umabot ang proteksyon sa mga bata hindi lamang sa loob ng paaralan kundi pati sa digital platforms na araw-araw nilang ginagamit.
Para sa senador, ang ligtas na paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pag-asa at oportunidad—hindi lugar kung saan natatakot ang mga bata para sa kanilang buhay.
