dzme1530.ph

Mga “Marites”, hinikayat na isumbong ang mga kapitbahay na nang-aabuso ng kababaihan

Hinikayat ng Philippine Commission on Women ang mga “Marites” na gamitin sa positibong bagay ang kanilang pagiging tsismoso o tsismosa, at isumbong ang kanilang mga kapitbahay na nang-aabuso ng kababaihan.

Ayon kay PCW Chairperson Ermelita Valdeavilla, ang karahasan sa kababaihan ay isang pampublikong krimen, kaya’t ang sinumang makakakita ng babaeng binubugbog sa kanilang harapan ay maaaring makialam sa paraang hindi sila mapapahamak.

Kaugnay dito, pinayuhan ang mga Marites na sa halip na pag-usapan lamang ang mga sariling opinyon ay tingnan din ang mga indikasyong nagpapalala sa away ng mga mag-asawa, tulad ng paglalasing o pagsusugal.

Sinabi naman ni Valdeavilla na kailangan pa ring turuan ang publiko sa tamang paraan ng pakikialam, kabilang ang pagtawag sa hotline.

Tiniyak naman ng PNP Anti-Violence Against Women and Children Division na nananatiling aktibo ang kanilang “Aling Pulis” 24/7 helpline para sa kababaihang makararanas ng karahasan o pang-aabuso.

Samatala, nanawagan din ang PCW sa pakikipagtulungan ng Brgy. workers dahil sila umano ang mas nakakaalam sa buhay ng mga mag-asawa sa kanilang komunidad. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author