dzme1530.ph

Mga bagong ebidensya laban kay Alice Guo, ilalatag ng mga senador

Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na may ilalabas siyang mga bagong ebidensya kaugnay sa pagkakaugnay ni dismissed Bamban Tarlac, Mayor Alice Guo sa POGO hubs.

Sinabi ni Estrada na ilalatag niya sa pagdinig bukas ang mga dokumento na nagpapatunay ng mga negosyo ni Guo at ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo ‘Dong’ Calugay hindi lamang sa POGO operations.

Iginiit din ng senador na muling nagsinungaling sa Senado si Guo nang sinabi nitong hindi nag-ooperate ang Alisel Aqua Farm dahil tuloy-tuloy ang operasyon nito.

Nanindigan din si Estrada na hindi siya pabor sa executive session na hinihiling ng kampo ni Guo dahil dapat anyang sa publiko ilantad ni Guo ang lahat ng gusto nitong sabihin.

Subalit posible aniya niyang pag-aralan ang pagsasagawa ng executive session kung ilalabas ni Guo ang personalidad na nagbabanta sa kanyang buhay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author