Ipinaliwanag na ni Senate President Francis Chiz Escudero sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang kanyang mga desisyon at aksyon kaugnay sa natanggap nilang verified impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ito ng senate leader sa pamamagitan ng pormal na sulat sa bawat senador na ipinadala rin niya kina House Speaker Martin Romualdez gayundin kay Vice President Sara Duterte.
Tulad ng paulit-ulit na pahayag sa media, sinabi ni Escudero na natanggap ng Senado ang verified impeachment complaint noong hapon ng February 5, sa oras ng pag-adjourn na at huling araw ng kanilang sesyon nang walang paunang abiso kaya hindi na ito nairefer pa sa plenaryo.
Iginiit ni Escudero na hindi nila maaksyunan ang reklamo nang walang sesyon dahil kailangan din nilang magpatibay ng impeachment rules at magconvene bilang impeachment court.