![]()
Nanawagan si Senador Mark Villar ng mas matatag na mga reporma sa ekonomiya, pagpapaunlad ng imprastraktura at pagpapabuti sa kapaligiran ng negosyo upang mapakinabangan ng Pilipinas ang paglago ng ekonomiya ng ASEAN.
Ginawa ni Villar ang panawagan matapos itaas sa 4.7% ang growth forecast ng ASEAN para sa 2026.
Ayon sa senador, dapat palakasin ng bansa ang mga pangunahing industriya gaya ng turismo, manufacturing, Business Process Outsourcing o BPO at Knowledge Process Outsourcing o KPO upang makahikayat ng mas maraming investors at makalikha ng trabaho para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni Villar ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng patuloy na training at upskilling, lalo na’t binabago ng Artificial Intelligence ang industriya ng global services.
Hinikayat din niya ang mas malawak na suporta sa Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs sa pamamagitan ng mas madaling pagkuha ng pondo, teknolohiya at pag-access sa mas malawak na pamilihan.
Kaugnay nito, binigyang-pansin ng senador ang pagkakataong hatid ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA, na naglalayong palawakin ang digital trade, electronic payments, data protection at cross-border transactions.
Ayon kay Villar, makatutulong ang mas malalim na digital integration upang makapagbenta ang mga lokal na negosyo sa mga mamimili sa ibang bansa at mas aktibong makibahagi sa ekonomiya ng rehiyon.
