Nanindigan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na sadyang hindi na sapat para makabuhay ng isang pamilya ang minimum wage na umiiral ngayon sa buong bansa.
Sa kasalukuyan aniya ang minimum wage sa mga rehiyon na nasa pagitan lamang ng ₱361 hanggang ₱645 ay hindi tugma sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilyang Pilipino.
Kaya naman welcome development kay Estrada ang desisyong magpatupad ng ₱50 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region ngunit iginiit na hindi pa rin ito sapat upang maibsan ang araw-araw na pasanin ng mga manggagawang Pilipino.
Batay anya sa kanyang naging konsultasyon sa iba’t ibang sektor noong pinamunuan niya ang Senate labor committee, lumilitaw na ang pinaka-balanseng umento na isinasaalang-alang ang kapakanan ng parehong manggagawa at negosyo ay ₱100 na dagdag-arawang sahod para sa tinatayang 4.2 milyong manggagawa sa buong bansa.
Sinabi ni Estrada na anumang dagdag sa sahod ay makakatulong pambili ng bigas, ulam, at pamasahe.
Subalit kung magbibigay anya ng umento ay umaasa siyang ito ay halagang mararamdaman para kahit paano’y gumaan ang pinansyal na pasanin ng mga Pinoy.
Kaya naman kasama rin sa inihaing priority bills ng senador ang ₱100 legislated wage increase para sa mga minimum wage earners sa buong bansa na una nang pumasa sa Senado.
Nangako ang mambabatas na patuloy na kikilos upang matiyak na bawat manggagawang Pilipino ay may dignidad at sapat na kita sa kanilang trabaho.