![]()
Hinarang ng China Coast Guard (CCG) at inantala ang emergency medical evacuation ng isang Philippine Navy personnel mula sa Ayungin Shoal ng halos sampung oras, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa statement, inihayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na dineploy ang BRP Cabra mula sa Lawak Island para i-evacuate ang may sakit na tauhan na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Aniya, kahapon, Oct. 8, ay nakumpleto ng PCG ang emergency medevac ng isang tauhan ng Navy sa kabila ng pagharang at pag-antala ng CCG vessels sa misyon.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinailangan ng personnel ng agarang medical attention bunsod ng pre-existing medical condition.
Nakipag-coordinate ang Western Command ng AFP sa PCG at iba pang concerned agencies para maisagawa ang ligtas na evacuation at paglipat ng pasyente sa akmang medical facility.
