Nagdeklara ang Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ng state of calamity bunsod ng tumataas na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa probinsya.
Sa Facebook post, inihayag ng Batangas Public Information Office na ang pagsasailalim sa lalawigan sa State of Calamity ay kasunod ng rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na pinamumunuan ni Gov. Hermilando Mandanas.
As of Aug. 9, sinabi ng Office of the Provincial Veterinarian sa Batangas na umabot na sa pitong bayan ang apektado ng ASF.
Una nang nagdeklara ang Bayan ng Lobo noong Aug. 6 ng state of calamity, makaraang 17 mula sa 26 na barangay ang napaulat na mayroong ASF cases.
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang mga bayan ng Calatagan at Lian noong Aug. 9.