dzme1530.ph

Bagong liderato ng Senate Spouses Foundation, ipagpapatuloy ang mga programa ng nakaraang administrasyon

Tiniyak ng bagong liderato ng Senate Spouses Foundation, Inc. na ipagpapatuloy nila ang mga proyekto at programang nasimulan ng mga nakalipas na administrasyon subalit magpapatupad ng mga karagdagang gawain.

Ito ay matapos ang panunumpa ng mga bagong opisyal sa harapan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Kasabay nito, sinabi ng bagong pangulo ng foundation na si Heart Evangelista-Escudero na handa na siyang harapin at gampanan ang kanyang tungkulin sa bagong mundo.

Sinabi ng aktres na handa niyang isakripisyo ang kanyang mga personal na gawain subalit patuloy na magtatrabaho dahil may mga bills o bayarin pa ring parating.

Inamin din nito na nanghingi siya ng advise sa kanyang asawa na very supportive naman sa kanya kahit magkaiba ang mundong kanilang ginagalawan.

Nakausap na rin anya ang dating pangulo ng foundation na si Audrey Zubiri na nakikipagtulungan din sa kanila.

Sa impormasyon, sa Lunes ay aarangkada ang unang proyekto ng bagong liderato sa pamamagitan ng gift giving activity sa isang bahay ampunan sa Barangay 171, Bagumbong, Caloocan City.

 

About The Author