![]()
Nagdesisyon na ang House Prosecution Panel na hindi na tatalakayin sa impeachment trial ang Article 3 laban kay Vice President Sara Duterte na may kinalaman sa bribery o panunuhol sa Department of Education.
Ayon kay Cong. Terry Ridon, isa sa mga congressmen prosecutors, para sa kanila, sapat na ang naunang tatlong impeachment articles para patunayan ang kanilang paratang laban sa Bise Presidente na betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution.
Sa ngayon, nililitis ang paratang laban sa VP na pagkakaroon ng unexplained wealth, hindi pagtatapat sa SALN at patuloy na business interests.
Natapos nang litisin ang mga impeachment articles ukol sa umano’y pagbabanta ni VP Sara sa buhay ng Pangulo at ukol sa maling paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd.
Dahil marathon trials o dalawang linggo na umaga’t hapon ang impeachment trial, sinabi ni Ridon na maaaring matapos na ang presentasyon ng prosekusyon ng mga testigo at ebidensya sa loob ng dalawang linggo o bago mag-October 15 na huling araw ng marathon trial.
Kakayanin aniya nila sa loob ng dalawang linggo ang pagharap sa AMLC, mga kinatawan ng mga bangko, insurance companies at BIR.
Nang tanungin kung kasama sa testimonya ng AMLC ang mga sinabi ni dating Sen. Antonio Trillanes sa umano’y Chinese money na pumasok sa accounts ni VP Sara, sinabi ni Ridon na abangan na lang ang testimonya ng AMLC dahil sub judice na ito.
