dzme1530.ph

ALAMIN KUNG ANO ANG CAT SCRATCH DISEASE

Loading

Maaaring magdulot ng impeksyon ang pagkakakalmot o pagkakagat ng pusa dahil sa isang kondisyong tinatawag na Cat Scratch Disease.
 
Ayon sa mga eksperto, ang sakit ay sanhi ng bakteryang Bartonella henselae, na karaniwang matatagpuan sa mga pusa, lalo na sa mga kuting. Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng kalmot o kagat ng impektadong pusa.
 
Kabilang sa mga sintomas ang pamamaga ng kulani, lagnat, pagkapagod, sakit ng ulo, at pamumula o pamamaga sa bahagi ng balat na nakalmot o nakagat.
 
Sa karamihan ng mga malulusog na tao, gumagaling ang sakit nang walang malubhang komplikasyon.
 
Subalit, maaari itong maging mas delikado sa mga taong may mahinang resistensiya, kaya mahalagang magpatingin agad sa doktor kapag lumala ang mga sintomas.
 
Pinapayuhan ang publiko na hugasan agad ng sabon at malinis na tubig ang anumang kalmot o kagat ng pusa. Mahalaga rin ang regular na paglilinis at pag-aalaga sa mga alagang pusa upang mabawasan ang panganib ng impeksyon.
 
Paalala ng mga health expert, hindi dapat katakutan ang mga pusa, ngunit mahalagang panatilihin ang wastong kalinisan at mag-ingat sa pakikipaglaro sa mga alagang hayop upang maiwasan ang pagkakaroon ng Cat Scratch Disease.

About The Author