dzme1530.ph

TRANSPARENCY SA PLANONG PAX SILICA, IGINIIT NG MGA SENADOR

Loading

Iginiit ng mga senador ang transparency sa planong Pax Silica Initiative dahil nagbabago-bago ang detalyeng sinasabi ng ilang opisyal at ahensya ng gobyerno ukol sa proyekto.

Sa deliberasyon sa panukalang budget ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA, sinabi ng sponsor nito na si Senador Bam Aquino na kailangan ng transparency sa Pax Silica.

Ito ay dahil noong una, sinabi na isang data center ang itatayo subalit nang marami ang umalma, nilinaw na ito ay manufacturing lamang subalit hindi malinaw kung ano ang produkto.

Pinalilinaw naman ni Senador Imee Marcos kung magkano ang gagastusin ng gobyerno sa Pax Silica Project at kung ano ang plano sa mga residente, magsasaka at katutubo sa Tarlac at mga karatig-lugar, pati na sa libingan sa loob ng lupain.

Binigyang-diin ni Marcos na mayroon nang mga reports na napadalhan na ng eviction notice ang ilang residente at pinapipirma na sa quitclaims at waiver.

Tinukoy naman ni Aquino na paiba-iba rin ang numero sa ire-relocate dahil noong unang sinabi ng BCDA na 198 na pamilya ang maaapektuhan mula sa unang tantiya na 400, pero may report din na aabot sa isang libo.

Sa pamamagitan ni Aquino, sinabi ni BCDA President Ariel Nepomuceno na walang alokasyon ang BCDA para sa Pax Silica sa kanilang 2027 budget at wala ring gagastusin dito mula sa kita ng BCDA.

Itinanggi rin ni Nepomuceno na nagpapapirma na ng quitclaim sa mga mare-relocate at nilinaw na ang mga private sector locator, hindi gobyerno, ang gagastos sa relokasyon, pero BCDA ang mangangasiwa sa pag-uusap.

Nagbabala rin si Marcos sa sinasabing 3 gigawatts ng kuryente ang magagamit sa proyekto habang nasa 65 million hanggang 90 million liters ng tubig kada araw ang kailangan.

Ipinaliwanag naman ni Aquino na kasama sa plano sa Pax Silica ang produksyon ng sariling kuryente at may ₱14.8 billion na halaga ng joint venture ang South Korean firm na K-Water at Maynilad para sa produksyon ng tubig.

About The Author