![]()
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na suporta sa government programs na naglalayong protektahan ang mga buntis na ina at kanilang mga sanggol na hanggang dalawang taong gulang mula sa stunting o pagkabansot.
Ginawa ng Pangulo ang pagtiyak sa pagtatapos ng 4-year project ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP).
Sa kanyang talumpati sa Clark, Pampanga, nangako si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng Alagang Pinas Summit, magpapatuloy ang mga serbisyong sinimulan ng PMNP upang ang bawat batang nangangailangan ng tulong sa nutrisyon ay makatatanggap ng angkop at sapat na pangangalaga.
Ang PMNP ay isang inisyatibo sa pagitan ng Department of Health, World Bank, at United Nations Children’s Fund, na naglalayong mabawasan ang pagkabansot sa mga bata at malnutrisyon.
Sa pamamagitan ito ng pagpapalakas sa access sa nutrisyon ng mga buntis na ina at mga sanggol sa critical first 1,000 days.
