![]()
Umarangkada na rin ang libreng sakay ng Department of Transportation sa ilang ruta sa Metro Manila upang tulungan ang mga commuters na maaapektuhan ng dalawang araw na transport strike.
Nagsimula ang libreng sakay program kaninang 6 a.m. at tatagal hanggang 9 p.m. ngayong araw at bukas.
Ito ay pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tiyakin ang access sa transportasyon sa gitna ng strike.
Kasama sa mga ruta ng libreng sakay ang Quiapo hanggang Cubao, Quiapo hanggang Doña Carmen, Commonwealth, Quiapo hanggang Fairview, Taft sa bahagi ng Buendia hanggang Alabang, at Commonwealth hanggang Cubao via East Avenue at V. Luna.
