![]()
TINIYAK ni Senate President Sherwin Gatchalian na patuloy na susuportahan ng Senado ang mga lokal na programa sa edukasyon upang maisakatuparan sa bansa ang layunin ng ASEAN na palakasin ang pundasyon ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang hakbang ang pag-apruba sa Philippine-led ASEAN Declaration on Foundational Learning o ADFL dahil nagpapakita ito ng matibay na paninindigan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya na pagbutihin ang batayang edukasyon.
Sa pamamagitan aniya ng deklarasyon, magkakaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng ASEAN na magbahagi ng kaalaman at mga epektibong pamamaraan upang mapalakas ang pundasyon ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Bilang pagtugon dito, binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang ipagpatuloy ang suporta sa mga lokal na programa, kabilang ang Academic Recovery and Accessible Learning Program o ARAL ng Department of Education.
Kinilala rin aniya ng DepEd ang ARAL Program bilang isa sa mga inisyatibang naaayon sa layunin ng ASEAN na palakasin ang foundational learning.
Tiniyak ng senador na patuloy na tututukan at popondohan ng Senado ang mga programang layong paigtingin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Isusulong aniya ang suporta sa pamamagitan ng pagtalakay sa 2027 National Budget at sa iba pang mga panukalang batas na may kinalaman sa edukasyon.
