![]()
HINIMOK ng Senado si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity sa mga lugar na apektado o nanganganib sa Super El Niño upang agarang mamobilisa ang pondo ng gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa pamamagitan ito ng Senate Resolution 765 na nilagdaan ng 20 senador.
Sa resolusyon, hiniling ang pagdedeklara ng state of calamity o state of imminent disaster alinsunod sa Republic Act 10121 at Republic Act 12287.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, mahalagang makapagpatupad agad ng mga hakbang dahil panahon ng pagtatanim ng palay at malaki ang pangangailangan sa suplay ng tubig.
Iginiit din ni Pangilinan ang pangangailangang magpatupad ng price ceilings at higpitan ang pagbabantay laban sa overpricing, profiteering at hoarding.
Binigyang-diin din ng mga senador na 2.53 milyon pa lamang sa target na 11.12 milyong benepisyaryo ng Department of Agriculture ang nakatanggap ng tulong o katumbas lamang ng 22.8%.
Dahil dito, hiniling nila sa Department of Budget and Management at sa mga kinauukulang ahensya na agarang ilabas at gamitin ang mga karapat-dapat na pondo, kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at Quick Response Funds ng mga ahensya.
