![]()
Kinastigo ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo ang Manila International Airport Authority at New NAIA Infra Corporation dahil sa ulat na hindi operational ang ilang CCTV cameras sa paliparan.
Sa pagdinig sa Senado, pinagsabihan pa ni Tulfo ang MIAA at ang NNIC na inutil at masarap pag-umpugin makaraang aminin na hindi pa napapalitan ang mga hindi na gumaganang CCTV cameras.
Ang MIAA ang regulator at owner ng NAIA at operator ang NNIC.
Inamin ni Antonio Mendoza, Assistant General Manager for Security and Emergency Services ng MIAA, na may mga lugar sa NAIA na palyado na ang CCTV cameras.
Ikinatwiran ni Mendoza na nasa limang taon na ang CCTV cameras at may mga binaklas na ang NNIC sa lugar.
Ikinagalit din ni Tulfo na walang CCTV sa pwesto ng mga TNVS at transport services sa NAIA.
Ikinatwiran naman ng NNIC na saklaw ito ng tungkulin ng MIAA kaya nasabi ni Tulfo na masarap pag-umpugin at dapat mag-usap ang dalawa.
Iginiit ni Tulfo na dapat maayos ng lahat ang CCTV sa loob ng 48 hours, at dapat walang blind spot, lalo pa at mag-Undas at dagsa ang pasahero na tiyak sasabayan din ng pagdami ng mga magnanakaw.
Ang pahayag ni Tulfo ay kasunod ng pagnanakaw ng tatlong mamahaling relo sa isang dayuhan habang nasa passenger waiting area ng isang TNVS at sinabihan ng security personnel na walang CCTV sa lugar.
Sa pagkakalampag ni Tulfo sa MIAA at NNIC, natunton ang nagnakaw na notoryus sa airport, at nabawi ang bagahe kasama ang mga relo na na-turn over kay Tulfo at isasauli na sana sa nabiktimang foreigner na babalik sa bansa sa susunod na linggo.
