![]()
PINUNA ni Senador Erwin Tulfo ang anya’y hindi makatarungan na bill deposit system na nagpalobo sa singil sa kuryente ng mga consumer.
Ito ay kasunod ng mga reklamo ng mga consumer na nabigla sa pagtaas ng kanilang bayarin sa kuryente dahil sa bill deposit.
Sa kabila ng pagpapaliban ng MERALCO sa pagpapataw ng naturang bill deposit, binigyang-diin ni Tulfo na hindi malinaw kung paano ito lumabas sa mga electric bill.
Sa ilalim ng “Magna Carta for Residential Electricity Consumers,” ang bill deposit ay halagang kinokolekta mula sa mga consumer sa buong bansa upang magsilbing garantiya sa pagbabayad ng nakonsumong kuryente ngunit hindi nabayaran sa takdang petsa.
Bagama’t kinikilala ni Tulfo na pinahihintulutan ng batas ang mga power distribution utility na mangolekta ng bill deposits, iginiit niya na ayon din ng parehong batas, may karapatan ang mga Pilipino sa mas malinaw at transparent na pagsingil.
Nanawagan ang senador sa power distributors na maging makatao at huwag nang magpataw ng mga karagdagang bayarin.
Suportado rin ni Tulfo ang mga regulasyon sa pagpapataw ng bill deposits na kamakailang inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC).
