![]()
HINIMOK ni Senador Kiko Pangilinan ang executive department na ikunsidera ang deklarasyon ng state of calamity sa gitna ng banta ng Super El Niño na posibleng makaapekto sa suplay ng pagkain sa bansa.
Nagbabala ang chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na ang mahabang tagtuyot ay magdudulot ng malubhang epekto sa agriculture at fisheries sector.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na dahil limang rehiyon na ang tinatamaan sa ngayon ng El Niño batay sa datos ng DA, mas nararapat nang magdeklara ng national state of calamity.
Isinusulong din ng senador na i-prayoridad sa panukalang budget ng DA sa susunod na taon ang mga programa para sa irigasyon.
Una nang ibinabala ng DA na posibleng umabot sa 700,000 metric tons ang mawala sa rice production ng bansa sa ikalawang bahagi ng susunod na taon dahil sa El Niño.
