![]()
Muling kinuwestyon ng mga senador ang mabilis na pagtaas ng presyo ng petrolyo kapag tumataas ang presyo sa world market pero mabagal naman ang rollback kapag bumababa ang presyo nito.
Sa pagdinig sa Senado, tinanong ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ang Department of Energy kung bakit kinabukasan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa international market, nagtataas agad ang lokal na presyo kahit nabili pa iyon nang mas mura ng oil companies.
Pinagsabihan pa ni Tulfo ang mga oil company na dapat ay i-moderate ang kanilang greed o bawasan ang pagiging gahaman.
Dapat aniya, tulad sa kuryente, maipa-unbundle din ang presyo ng petrolyo para makita kung gaano kalaki o kung sobra-sobra na ang kita ng mga kumpanya ng petrolyo.
Ipinaliwanag naman ni Director Rino Abad ng DOE na bahagi ito ng sistema sa Oil Deregulation Law — at maraming dahilan ang presyuhan ng petrolyo — gaya ng presyo sa pagbili rito, ang gastos sa freight o pagluluwas patungo rito sa bansa, at foreign exchange o palitan ng piso kontra dolyar.
Sinabi naman ni Energy Undersecretary Riolita Innocencio na totoo na kapag nagtaas ang presyo sa world market, nagtataas agad ang oil companies kahit nabili sa mas murang halaga ang kanilang inventory — pero napipilitan din daw ang oil companies na ibaba ang presyo ng nabili nang mas mahal kapag bumaba na ang presyuhan sa world market.
Tanong naman ni Senate President Sherwin Gatchalian kung talaga bang namo-monitor ang rollback.
Ayon sa mga opisyal ng DOE, may random check sila sa mga kumpanya ng langis dahil hindi nila kayang puntahan ang libo-libong gas stations sa buong bansa.
Kapag may naaaktuhang lumalabag, iniisyuhan ng show cause order at kung nararapat, pinagbabayad ng multa at pinakakasuhan.
