![]()
Patuloy na nakakakuha ng atensyon ang GLP-1 medications bilang gamot para sa type 2 diabetes at pagpapababa ng timbang.
Gayunman, nagbabala ang mga health expert na hindi angkop ang mga ito sa lahat at dapat lamang gamitin sa ilalim ng gabay ng doktor.
Ang GLP-1 o glucagon-like peptide-1 ay isang hormone na tumutulong sa pag-regulate ng blood sugar at pagkontrol ng gana sa pagkain.
Kabilang sa mga kilalang gamot sa grupong ito ang semaglutide at liraglutide.
May mga produktong inaprubahan para sa type 2 diabetes, habang may mga specific formulation at dosage na inaprubahan para sa pamamahala ng timbang sa mga pasyenteng pasok sa pamantayan.
Nakatutulong ang mga gamot na ito sa pagpapababa ng blood sugar sa pamamagitan ng pagpapasigla sa paglabas ng insulin kapag mataas ang asukal sa dugo.
Pinapabagal din nila ang paglabas ng pagkain mula sa tiyan at nakaaapekto sa sentro ng gana sa pagkain sa utak, kaya mas matagal ang pakiramdam ng pagkabusog at maaaring mabawasan ang nakakain.
Gayunman, may mga posibleng side effects ang GLP-1 medications, kabilang dito ang pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, constipation at pananakit ng tiyan. Karaniwang mas nararamdaman ang mga ito sa pagsisimula ng gamutan o pagdagdag ng dosage.
Sa ilang kaso, maaaring magdulot ang mga ito ng mas malubhang problema, gaya ng pancreatitis o pamamaga ng lapay, problema sa apdo, at dehydration na maaaring makasira sa bato.
Kung kasabay ng insulin o ilang gamot sa diabetes na nagpapababa ng blood sugar, maaari ring tumaas ang panganib ng hypoglycemia.
Pinapayuhan ang publiko na huwag gumamit ng GLP-1 medications para lamang magpapayat nang walang medikal na pagsusuri at reseta.
Hindi rin dapat bumili ng mga gamot na ito mula sa hindi tiyak na online sellers dahil may panganib na pekeng produkto o hindi angkop na dosage ang makuha.
Mahalaga ring malaman na hindi angkop ang lahat ng GLP-1 medications sa bawat pasyente.
Dapat ipagbigay-alam sa doktor kung may kasaysayan ng pancreatitis, problema sa apdo, sakit sa bato, o iba pang kondisyong medikal.
May mga produktong may tiyak na babala para sa mga taong may personal o family history ng medullary thyroid carcinoma o may multiple endocrine neoplasia type 2.
Agarang humingi ng medikal na tulong kung makaranas ng matindi at hindi nawawalang pananakit ng tiyan, lalo na kung may kasamang pagsusuka, o kung may senyales ng malubhang allergic reaction.
Paalala: Ang GLP-1 medications ay maaaring makatulong sa pagkontrol ng diabetes at pamamahala ng timbang sa mga angkop na pasyente, ngunit hindi ito milagrong gamot.
Mas mahalaga pa rin ang indibidwal na payo ng doktor, balanse at masustansiyang pagkain, regular na pisikal na aktibidad at patuloy na pagmomonitor ng kalusugan.
