dzme1530.ph

DATING PULIS NA NAG-AKUSA KAY CONG. MIRO QUIMBO BILANG BAGMAN, 98% NA NAGSASABI NG KATOTOHANAN, AYON SA DILG CHIEF

Loading

Nakakuha ng 98% na resulta sa polygraph test ang dating pulis na nag-akusa kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na nagsilbi itong bagman ng mag-asawang contractors na sina Curlee at Sarah Discaya.
 
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, sumailalim si Rodulfo Gracioso Jr., dating aide ni noo’y House Speaker Lord Allan Velasco, sa polygraph test ng National Bureau of Investigation (NBI).
 
Aniya, ang 98% result na nakuha ni Gracioso ay nagpapakita na nagsasabi ito ng katotohanan sa mga pahayag nito tungkol sa paghahatid ng pera sa mga kilalang personalidad sa politika at mga contractor.
 
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Gracioso na kabilang si Quimbo sa pinanggalingan ng perang inihatid niya sa ilang personalidad.
 
Idinetalye rin niya ang ilang insidente kung saan sangkot si Quimbo sa paghawak at paghahatid ng pera na sinasabing nagmula sa mga contractor ng flood control.
 
Ayon kay Gracioso, minsan din siyang inutusan ni Velasco na kunin ang pera mula kay Quimbo sa isang sangay ng Starbucks sa Petron Katipunan, kung saan nakita si noo’y DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral kasama ang mambabatas.

About The Author