![]()
Inamin ng doktor na nag-admit kay Leyte Rep. Martin Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center, mayroong “unusual” o kakaiba sa confinement ng mambabatas sa ospital.
Ginawa ni Dr. Kurt Allen Sibayan ang pahayag sa hearing sa motion for continued confinement ni Romualdez sa Cardinal Santos, kaugnay ng 7.4-billion peso plunder case na kanyang kinakaharap bunsod ng flood control scandal.
Sinabi ni Sibayan sa Sandiganbayan Third Division na nang dumating si Romualdez sa ospital noong Sep. 7, at siya ang admitting physician, ay hindi siya pinayagan na pumasok sa silid ng pasyente para magsagawa ng anumang medical examination.
Aniya, ang mga instruction sa kanya ay ipinadadaan ng attending physicians ni Romualdez na sina Dr. Rody Sy at Dr. Rosalio Torres.
Isiniwalat din ni Sibayan na hindi nagtungo ang dating House Speaker sa emergency room at sa halip ay dumiretso ito sa hospital room.
Idinagdag nito na ang mga kasalukuyang sakit ni Romualdez ay hindi emergency case, subalit nananatiling high risk sa heart attack.
