dzme1530.ph

POVERTY DATA, DAPAT TUGMA SA TUNAY NA NARARANASAN NG MGA PILIPINO

Loading

IGINIIT ni Senator Loren Legarda ang pangangailangang tumugma sa aktwal na karanasan ng mga Pinoy ang sinasabing pagbaba ng poverty incidence sa bansa at hindi lamang sa mga statistics.
 
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 9.7% ang poverty incidence noong 2025 mula 15.5% noong 2023.
 
Gayunman, sinabi ni Legarda na mahalagang suriin kung sapat ba ang itinakdang ₱14,634 na buwanang poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
 
Ayon sa senadora, kung hahatiin ang halagang ito, lalabas na mahigit ₱20 lamang kada tao bawat pagkain ang nakalaan na aniya’y hindi na sapat kahit sa isang simpleng pagkain sa karinderya.
 
Binigyang-diin ng senadora na ang paglagpas sa poverty line ay hindi nangangahulugang may seguridad na sa kabuhayan ang isang pamilya, lalo na kung mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente at gamot kaysa sa paglaki ng kanilang kita.
 
Dahil dito, binigyang-diin ni Legarda na dapat magkaroon ng mga polisiyang magpapalaki sa take-home pay ng mga manggagawa, magpoprotekta sa kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka, magpapalawak ng pagbili ng lokal na pagkain sa ilalim ng Local Harvest Support Act, at magpapalakas ng kabuhayan ng mga katutubo sa pamamagitan ng 4K Act.

About The Author