dzme1530.ph

P10,000 ACROSS THE BOARD INCREASE SA SAHOD NG MGA GURO, IGINIIT

Loading

NAIS ni Senador JV Ejercito na magkaroon ng P10,000 across-the-board increase sa basic monthly salary para sa lahat ng public elementary at secondary school teachers.
 
Inihain ni Ejercito ang Senate Bill Number 335 o ang proposed Dagdag Suweldo sa mga Guro Act na isa sa priority bill niya sa 20th Congress na naglalayong maisulong ang kapakanan ng mga pampublikong guro.
 
Sa ilalim nito, lahat ng pampublikong guro ay makatatanggap ng P10,000 dagdag sa kanilang buwanang sahod kahit pa gaano kahaba o kaikli ang kanilang pagseserbisyo.
 
Ayon kay Ejercito, pagkilala ito sa mahalagang papel ng mga guro sa pagbibigay-edukasyon sa mga kabataan habang hinaharap din nila ang hirap ng buhay.
 
Ipinaliwanag ng senador na hindi lamang pagtuturo ang ginagawa ng mga guro araw-araw kaya matindi ang kanilang pagod at sakripisyo.
 
Naghahanda aniya sila ng lessons, nagche-check ng mga papel, gumagawa ng reports, at higit sa lahat, inaalagaan at ginagabayan nila ang ating mga estudyante.
 
Hindi aniya madaling maging guro dahil malaki ang responsibilidad nila, pero madalas ay malaki rin ang sakripisyong kailangang gawin para matupad ang kanilang tungkulin.
 
Kaya panahon na aniya para mas maipakita ang pagpapahalaga sa kanila sa pamamagitan ng dagdag-sahod dahil ang pagpapahusay sa economic welfare ng mga guro ay isang investment sa sistema ng edukasyon sa bansa.

About The Author