![]()
HINDI lamang mga magulang ang may obligasyon sa pagbibigay ng proteksyon sa kabataan laban sa karahasan at pamamaril sa mga paaralan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na may matinding pagkukulang ang lipunan at bigong maprotektahan ang mga bata sa gitna ng mga naganap na pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City.
Kaya naman, mahalaga anyang palakasin ang mga hakbang sa mental health, epektibong paggabay ng mga magulang, paglilimita sa access sa mga baril, sapat na security protocols at pagregulate sa digital spaces kung saan kumakalat ang Nihilistic Violent Extremism.
Nangako ang senadora na isusulong ang pagsasabatas ng proposed Child Online Safety and Protection Act.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng parusa ang mga taong nanghihikayat o nang-iimpluwensya sa mga bata na gumawa ng karahasan habang tataasan din ang responsibilidad ng internet intermediaries at palalakasin ang kapasidad ng law enforcement na mabilis na tumugon sa mga banta.
Hindi anya sapat ang parental vigilance bilang tanging panangga sa kaligtasan ng mga bata.
Binigyang-diin niya na may mga batang walang mga magulang, may mga magulang na OFW at may mga batang walang maayos na guardian.
Kaya dapat anyang idisenyo ang sistema upang mabawasan hangga’t makakaya ang mga panganib sa mga bata, gamit ang mga makatao at teknolohiyang pamamaraan.
Hindi anya dapat tanggapin ng lipunan ang isang kalagayan kung saan kailangang pumasok ng mga bata sa paaralan habang binabalot ng takot na sila ay mabaril.
