dzme1530.ph

PAGSASAGAWA NG SEA ACTION SA SUBIC, MULING NANAWAGAN NA IDEKLARA ANG HULYO 12 BILANG NATIONAL WPS VICTORY DAY

Loading

SUBIC, Zambales — Nagsagawa ng simbolikong sea action ang Atin Ito Coalition at daan-daang mangingisda mula sa Zambales noong Linggo, Hulyo 5, bilang panimula ng isang linggong paggunita sa ika-sampung anibersaryo ng landmark na 2016 Arbitral Ruling ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
 
Halos 80 bangkang pangisda na may dalang humigit-kumulang 250 mangingisda ang bumuo ng higanteng watawat ng Pilipinas at mga salitang “WPS, ATIN ITO!” sa may baybayin ng Subic bilang bahagi ng aktibidad.
 
Ang nasabing sea action ay nagpaigting din sa panawagan sa gobyerno na ideklara ang Hulyo 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day.
 
Inorganisa ang sea action ng Atin Ito Coalition sa pakikipagtulungan ng New Masinloc Fishermen Association, Subic Commercial Fishers Association, at Samahan ng Cabangaan-3 Fishermen’s Unity.
 
Ayon sa mga tagapag-ayos, layon ng aktibidad na gunitain ang tagumpay ng bansa sa arbitral noong 2016 habang pinagtitibay ang mapayapang paninindigan ng mga mangingisda sa gitna ng patuloy na pananakot at agresyon umano ng Tsina sa kanilang tradisyunal na palaisdaan.
 
Si Leonardo “Ka Nards” Cuaresma, pangulo ng New Masinloc Fishermen Association, ay nagpahayag na ang anibersaryo ay nagsisilbing paalala na hindi pa tapos ang laban upang protektahan ang karapatang pandagat ng bansa.
 
“Habang ipinagdiriwang natin ang ika-sampung anibersaryo ng ating makasaysayang tagumpay, muli nating pinagtitibay ang ating paninindigan para sa mahal nating West Philippine Sea.
 
Ang tagumpay sa arbitral ruling ay mahalaga, ngunit hindi pa tapos ang laban. Hanggang patuloy ang panghihimasok at agresyon ng Tsina sa ating karagatan, patuloy din tayong maninindigan at lalaban para sa ating karapatan,” pahayag ni Cuaresma.
 
Samantala, nanawagan naman si Atin Ito Co-Convenor Rafaela David kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpalabas ng Executive Order na nagdedeklara sa Hulyo 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day.
 
Ayon kay David, ang pag-institutionalize ng nasabing okasyon ay makatutulong upang mapanatili ang isa sa mga pinakamahalagang diplomatikong tagumpay ng bansa habang pinararangalan ang mga mangingisda at iba pang frontliners na patuloy na nagtatanggol sa karapatang pandagat ng Pilipinas.
 
“Ang Hulyo 12 ay higit pa sa isang petsa sa ating kasaysayan; ito ay paalala na ang katotohanan, internasyonal na batas, at ang katapangan ng mamamayang Pilipino ay nagtagumpay.
 
Ang pagdedeklara nito bilang National West Philippine Sea Victory Day ay makatutulong upang mapanatili ang tagumpay na ito sa ating pambansang alaala, mapalakas ang kamalayan at edukasyon ng publiko, at matiyak na ang mga susunod na henerasyon ay handang tumanggi sa disimpormasyon at ipagtanggol ang ating karapatan,” ani David.
 
Ang sea action ay nagmarka ng simula ng isang linggong aktibidad ng Atin Ito Coalition patungo sa anibersaryo ng arbitral ruling sa Hulyo 12.
 
Ayon sa koalisyon, lalahok sila sa isang forum kasama ang mga diplomat, legal expert, opisyal ng gobyerno, at mamamahayag sa Hulyo 10, na inorganisa ng Stratbase Institute.
 
Sa Hulyo 12 naman, sasali ang kanilang mga miyembro sa isang West Philippine Sea parade sa Puerto Princesa kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Palawan at ang Munisipalidad ng Kalayaan.
 
Nagplano rin ang koalisyon na kilalanin ang mga lokal na yunit ng pamahalaan na nagpasa na ng mga resolusyon na nagdedeklara sa Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day.

About The Author