![]()
TINIYAK ni Senador Erwin Tulfo na hindi magiging hadlang sa pagsusulong ng mahahalagang panukala na magpapababa sa presyo ng mga bilihin, magpapabilis sa tulong ng gobyerno, at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang pagiging senator-judge sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Tulfo na kinikilala niya ang kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas na maging patas na hurado sa impeachment trial.
Subalit, hindi aniya maaaring hindi pagtuunan ng pansin ang pang-araw-araw na paghihirap ng milyon-milyong Pilipino dahil sa nagtataasang presyo ng pagkain, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, at mga isyu sa seguridad.
Iginiit ng senador na dapat tiyaking kaya ng Senado na mag-multi-task dahil utang nila sa publiko ang pananagot sa batas kasabay ng walang-patid na pagsisilbi.
Bagama’t inaasahang kukuha ng malaking oras sa schedule ng Senado ang paglilitis, tiniyak ni Tulfo na patuloy niyang isusulong ang kanyang mga priority bills.
Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, Amendments to the Oil Deregulation Law, ang paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at ang malawakang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Binigyang-diin din ng senador na dapat magpatuloy ang mga krusyal na imbestigasyon ng Senado.
Bilang miyembro ng Blue Ribbon Committee, binanggit niya ang mga nakabinbing pagdinig gaya ng flood control probe at ang isyu ng malawakang pagputol ng puno at earth-balling sa Palawan na dapat umanong ituloy.
