![]()
PLANO ng Department of Energy na makapagtayo ang gobyerno ng sariling oil reserves storage sa huling bahagi ng taong 2027 hanggang unang quarter ng 2028.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy kaugnay sa panukalang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, kinuwestyon ng chairman ng kumite na si Senador Erwin Tulfo ang kapasidad ng bansa na magtayo ng pasilidad.
Ito ay makaraan aniya ang pakikipagpulong niya sa gobyerno ng United Arab Emirates na nagboboluntaryong magtayo ng oil reserve storage.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na nagpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya tulad ng Aramco at ADNOC subalit malinaw aniya ang pangangailangan ng bansa ng sariling oil reserve para na rin sa national security.
Ipinaliwanag ni Garin na mahalaga ang sariling pasilidad upang mamonitor na rin ng maayos ang tamang pagpapatupad ng presyo.
Inihayag pa ng kalihim na para makapagtayo ng pasilidad na kakayaning maglaman ng isang milyong bariles ng langis ay mangangailangan ng isang taon sa konstruksyon kasama na ang mga permit at mga importasyong kailangan.
