![]()
Naalarma ang kampo ni former Speaker Martin Romualdez sa pahayag ng Office of the Ombudsman na ang testimonya ni former DPWH Secretary Manuel Bonoan ang magdidiin sa dating House leader sa flood control irregularities.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, lawyer-spokesman ni Romualdez, nakababahala ito dahil sa simula’t simula ng imbestigasyon sa flood control, hindi kailanman nabanggit ni Bonoan ang pangalan ni Romualdez sa flood control.
Maging sa testimonya nito sa ICI o Independent Commission on Infrastructure na nag-imbestiga sa flood control scam ay hindi nabanggit si Romualdez.
Subalit ngayon, para walang kaso, walang ebidensya, walang patunay na ginampanang papel sa flood control projects, ay biglang-bigla idinadawit na ni Bonoan ang kinatawan ng Leyte.
Saad pa ni Fajardo, sa mahigit isang taon mula nang sumingaw ang flood control scandal, ngayon lang idinawit ni Bonoan si Romualdez kapalit ng kanyang immunity.
Hindi magandang pangitain, ayon pa kay Fajardo, dahil para ma-discharge at mabigyan ng immunity si Bonoan, ay banggitin lang nito ang “magic words” na Martin Romualdez ay libre na siya sa pananagutan.
