![]()
Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit 1.2 billion pesos para sa programa na naglalayong magbigay ng dagdag na kita para sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na apektado ng global oil crisis.
Sinabi ni DOLE Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio na mayroong “special initiative” ang labor department, kasama ang Department of Transportation (DOTr), na ipatutupad simula sa susunod na linggo.
Inihayag ni Bitonio na inihahanda na ng ahensya ang guidelines para sa naturang intervention.
Layunin aniya nito na matiyak na hindi mapaparalisa ang pampublikong transportasyon, at hindi na lumala pa ang inaasahang economic slowdown bunsod ng global oil price shock.
Nilinaw ng labor official na magpapatuloy pa rin ang TUPAD program para tugunan ang krisis, habang pinaghahandaan ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga maaapektuhang manggagawa.
