![]()
IMINUNGKAHI ng ilang senador na pag-aralan ng mga ahensya ng gobyerno na alisin ang Value Added Tax sa pagkain lalo na sa mga madalas na binibili ng mahihirap na Pilipino.
Sa pagdinig ng Ad Hoc Committee, iginiit ng ilang mga senador na mahalagang mapag-usapan ang posibleng pagtatanggal ng VAT lalo na sa de lata at noodles.
Sinabi ni Senador Loren Legarda na kung maibaba ang presyo ay tiyak na maraming mabibili ang mamamayan na kinalaunan ay papasok ding kita sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Legarda na kung igigiit ng Department of Finance na malaki ang mawawala sa gobyerno kapag tinanggal ang VAT sa pangunahing bilihin, dapat unahing tanggalin ang pagnanakaw sa gobyerno.
Bukod sa mga pagkain, iginiit din ni Legarda na pag-aralan ang pagtatanggal ng 12 percent VAT sa over the counter medicines.
Sinabi naman ni Department of Economy, Planning and Development o DepDev Secretary Arsenio Balisacan na dapat tignan ang lahat ng opsyon upang matiyak na hindi naman mawawala ang growth sa medium at long term sa ekonomiya.
