![]()
Nasa 41 percent ng mga Pilipino ang nais na bigyang prayoridad ng gobyerno ang pagtitiyak na magiging abot-kaya ang presyo ng mga pagkain.
Ito ay batay sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase at isinagawa mula February 27 hanggang March 2.
Lumilitaw sa survey na nais ng mga Pinoy na resolbahin ng gobyerno ang mataas na presyo ng bigas, karne at isda.
Ang naturang datos ay mas mataas kumpara sa 38 percent na nagnanais ng mababang presyo ng pagkain noong December 2025 survey.
Samantala, 26 percent ang nagnanais na limitahan o tuluyang resolbahin ng gobyerno ang katiwalian sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maayos na serbisyo.
Mas mababa naman ito kumpara sa 31 percent noong December kasabay ng mainit na isyu sa flood control projects.
24 percent naman ang nagsabi na dapat tutukan ng gobyerno ang paggawa ng mas maraming trabaho at pagkakakitaan habang 10 percent ang nagsasabing dapat iprayoridad ang edukasyon at healthcare.
