![]()
UMAASA si Senador Joel Villanueva namananatiling matatag at muling makakabawi ang halaga ng piso sa gitna ng epekto ng patuloy na tensyon sa Middle East sa palitan ng piso at dolyar.
Ayon sa senador, bagamat may kaunting benepisyo ang paghina ng piso para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya—dahil mas lumalaki ang halaga ng kanilang ipinapadalang pera—nagdudulot naman ito ng pangamba sa pagtaas ng gastos sa pagbabayad ng utang ng bansa na naka-denominate sa dolyar.
Ipinaliwanag ni Villanueva na ang pagtaas ng halaga ng dolyar laban sa piso ay maaaring magpabigat sa obligasyong pinansyal ng pamahalaan, lalo na sa mga utang panlabas na kailangang bayaran sa dolyar.
Dahil dito, umaasa ang mambabatas sa agarang aksyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang mapanatili ang katatagan ng palitan ng pera sa isang antas na kayang pamahalaan.
Patuloy namang binabantayan ng mga economic managers ng pamahalaan ang galaw ng merkado kasabay ng mga pandaigdigang pangyayari na may direktang epekto sa ekonomiya ng bansa.
