![]()
Inilatag ng ilang senador ang kanilang mga rekomendasyon upang masawata ang lumalalang kaso ng bullying sa mga paaralan ngayon na itinuturing na bilang isang krisis.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Education na hilingin sa Philippine National Police na magdeploy ng mga tauhan sa mga paaralan, maglagay ng CCTV camera sa mga silid-aralan at hilingin sa Parent-Teachers Association na maglunsad ng anti-bullying campaigns.
Iginiit din ni Sen. Raffy na paglinisin at gumawa ng mga proyekto sa paaralan ang mga magulang ng mga bully upang disiplinahin nila ang kanilang mga anak.
Iprininsinta rin ng senador sa pagdinig ang mga nagviral na video ng pananakit ng mga estudyante sa kapwa nila mag-aaral tulad ng insidente sa Ilocos Sur at Quezon City.
Binanggit din ang pananaksak sa isang estudyante ng kaklase sa Parañaque City at ipinalabas na salaysay ng isang magulang na naniniwalang nagsuicide ang anak dahil biktima ng bullying.
Sa panig ni Senador Bam Aquino, inirekomenda namang obligahin ang maagang reporting ng kaso ng bullying at tiyakin ang pagbibigay ng parusa sa mga bully.
Iginiit naman ni Senador Erwin Tulfo na magkaroon ng hotline para sa mga gustong magsumbong ng insidente ng bullying.
