![]()
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng cash assistance at fuel subsidies para sa mga PUV driver, magsasaka, at mangingisda, upang maibsan ang epekto ng tumataas na oil prices dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Sa video message, sinabi ng Pangulo na simula ngayong Martes, March 17, sisimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng 5,000 pesos na ayuda sa may 139,000 tricycle drivers sa 17 local governments units sa National Capital Region (NCR).
Aniya, matatanggap naman ng mga tricycle driver sa labas ng Metro Manila, transport network vehicle service (TNVS), at jeepney drivers ang kanilang 5,000 pesos na ayuda sa mga susunod na araw.
Idinagdag ni Marcos na ilalabas ng Department of Transportation (DOTr) ang fuel subsidy sa huling linggo ng Marso.
Upang matiyak ang supply ng pagkain, sinabi ng Pangulo na may 3,000 piso din na fuel subsidy ang ire-release sa 26,000 na mga magsasaka at 26,000 na mga mangingisda sa araw ng Huwebes.
Sisikapin din aniya ng Department of Agriculture na maipamahagi sa bawat magsasaka at mangingisda sa Abril ang mahigit 2,000 pesos na tulong mula sa Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program.
