![]()
DAPAT tiyakin ng gobyerno na walang Pilipinong nahaharap sa international arrest warrant ang ipadadala sa ibang bansa nang hindi muna binibigyan ng pagkakataon na humingi ng tulong sa lokal na korte.
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagsusulong ng kanilang grupo ng Senate Resolution 307 na itinuturing nilang constitutional safeguard na nakabatay sa aral ng 1987 Constitution.
Ayon kay Cayetano, ang SRN 307 ay para sa lahat ng Pilipino at hindi nakatuon sa kahit sinong personalidad o mga kasong kasalukuyang umiiral.
Binigyang diin niya na mahalaga ang partisipasyon ng korte lalo na sa mga kasong may international arrest warrants.
Binanggit din niya bilang halimbawa ang Canada, United Kingdom, at South Korea na nag-aatas ng domestic legal process bago hayaang maaresto o maipadala ang isang tao sa ibang bansa.
Ayon kay Cayetano, hindi lang ito usapin ng kasalukuyang kontrobersiya kundi pwede ring makaapekto sa mga opisyal o ordinaryong mamamayan sa hinaharap.
Nagbabala siya na ang paglaktaw sa lokal na korte ay pwedeng magpahina sa proteksyon ng konstitusyon.
