![]()
SINIMULAN na ng Senado ang pagtalakay sa resolution ng Senate Minority Bloc na naggigiit ng pangangailangang dumaan sa local courts ang anumang warrant mula sa International Criminal Court at iba pang foreign courts.
Isinusulong sa Senate Resolution 307 ang sense of the Senate para sa proteksyon sa mga Filipino laban sa extraordinary rendition at tiyaking mabibigyan ng panahong humarap sa local courts.
Iginiit ni Senador Christopher Bong Go, isa sa mga pinangalangan co-perpetrator sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, na dapat matiyak na walang Pinoy ang mapagkakaitan ng kalayaan nang hindi dumaraan sa due process.
Nilinaw naman ni Go na hindi binuo ang resolution upang protektahan ang sinumang indibidwal. Binigyang-diin naman ni Senador Rodante Marcoleta na ang hinihiling lamang sa resolution ay makatarungan, makatwiang paglapit sa mga lokal na hukuman at mabigyang pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa halip na agad isuko sa dayuhang hurisdiksyon.
Ipinaalala pa ni Marcoleta na ang hustisya na ipinapataw ng dayuhan ay hindi maituturing na hustisya kundi pagpapahiya at pang-aalipin. Para naman kay Senador Robin Padilla, sinabi niyang masakit para sa mga Pilipino na may mga kababayan tayong nililitis sa ibang bansa.
Kinikilala anya niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa ibang bansa subalit hindi anya ito dapat mangahulugan ng pagsuko ng ating sariling hurisdiksyon at pagtalikod sa ating mga korte.
